Monday, September 26, 2016

Para sa mga nag mahal, iniwan, at dahil tanga, minahal muli

Minsan may pagmamahalan na sinusuko kahit pa mahal na mahal niyo ang isa’t isa.
Minsan may pag ibig na binibitawan kahit pa mahalaga kayo sa isa’t isa.
Ngunit mas mainam nang sumuko't bumitaw lalo na’t kung alam mong sa huli,
Wala ka ring laban.

Hindi mo kailangang magalit sa taong kinailangan ika’y minsan ng iniwan.
Sapat man o hindi ang rason,
Mas mainam ng maiwan kesa makipagsiksikan.
Na para bang ika’y namuhay sa isang kahon --- walang hangin at liwanag

Ang hirap rin kasing magising sa kalagitnaan ng mahimbing na tulog,
Marahil dahil ika’y nabangungot tulad noong kayo’y may pinag taluhan.
Umaasa parin na babawiin niya ang salitang paalam
Iyak ng iyak, hindi dahil sa multo ng nakaraan,
Ngunit natatakot na baka wala na siya pagkakinabukasan

Alam mo bakit may pambura ang lapis ng bata?
Para malaman nilang pwede pang itama ang mali.
Alam mo ba ba’t isang pluma ang gamit natin?
Upang ipaalam na hindi na tayo mga bata pa upang ulit ulitin ang pagkakamali.

Katangahan bang lumapit kahit umiiwas na siya?
Magpapansin kahit binabalewala lang niya?
Maghintay kahit alam mong wala?
Dahil ika’y umaasa pa,
Sino bang mas tanga?
Ikaw ba o siya?
Siguro, katumbas na rin ng salitang “katangahan” ang “nagmamahal”

Pang-ilang beses na ito.
Ilang beses nang nagpatawad.
Ilang beses na ng tumanggap muli.
Ilng beses naring sinabi sa sariling tama na’t baka masasaktan ka muli.
Umaasang sa ganitong pagkakataon, wala ng muling msasayang
Kaso wala eh, nagmamahal ka kasi.

babalik,
tatanggapin,
pakikiligin,
iiwanan.

babalik,
tatanggapin,
pakikiligin,
iiwanan.
Nakakapagod na.

Tama na. bitaw na para tapos na.

---Char Marie Garma- Alonzo
2016/08/23

Pambura

"Pambura"

sulat
bura
sulat
bura

Andito naman ako, patuloy ang pagsusula't bura ng mga letra't salitang hindi tumutugma sa nararamdaman ko. Nagmumukhang biro ang buhay ko sa mga nangyayari ngayon. Hindi ko alam ba't hinahanap ko ang sagot sa bawat ano, kahit pa alam ko naman ang kasagutan at nagmamaang maangan lang ako. Hindi ko alam ba't inaalam ko pa kung nasaan ang alin, halata namang nagbubulag bulagan ako. Pilit kong pinipilit ang aking gusto, kahit pa taliwas ito sa guhit ng mga palad ko. Masakit ngunit ba't ginagawa ko. Manhid.

Sana sing dali lang ng pagbura nitong mga letra ang pagkalimot ko ng mga matatamis at mapapait na mga alaaala tuwing nakikita ko ang iyong presensya. Minamasdan ka't susubukan kang hindi tignan. Pipikit ngunit ikaw ang nasa isipan. Masyado na ata akong naadik sa salitang pag asa, nakakalimutan ko ng lumaklak ng realidad. Buti pa yung aleng naksabay ko kanina sa jeep, nauntog na. Ako, nauntog ng lahat hindi parin sapat. Ganito kasi iyan, may mga maswerteng tao na nahanap na yung taong para sa kanila. May mga taong patuloy na naghahanap at may iba na sumuko na. Pero yung pinakamasaklap eh yung na sayo na pinakawalan mo pa. Nagbibiruan lang pala tayo.

Kung ika'y ihahalintulad sa masasakit na bagay, hindi ka sugat, isa kang peklat -- kahit na anong tapal pa ng mga gamot na naireseta, kahit ilang tapal pa ng mga pamahid na nabibili sa butika, nariyan ka parin. Nagsisimbulo na minsan ako'y iyong nasaktan. Na minsan ika'y nangiwan ng marka sa aking buhay.

Minsan ako'y iyong sinabihan...

"Ikaw ang nagturo sakin kung pano tumayo sa sarili kong paa mag isa..."

ang sarap pakinggan, ngunit iyong dinugtungan...

"pero ba't di mo na ako bitawan, para matuto akong lumakad mag isa."

Hindi mo ata napansin kung gaano na tayo kalayo sa kung saan tayo nag simula. Matanong ko nga, sino bang manhid, ikaw o ako?

isang beses naman may ibinulong ka sakin...

"mahal kita, hindi kita iiwan"

ba't bumaliktad ata ang mundo at naging...

"iiwan kita, hindi kita mahal"

Matanong ko nga, ilang pambura pa ba ang kailangan ko para tuluyan ka ng mabura sa puso't isipan ko? Dahil ginamit ko na lahat ng mga mamahalin at malalaking pambura sa mundo ngunit andiyan parin ang multo ng nakaraan at ikaw ang nasa likod nito.

----Char Marie Garma Alonzo
2016/08/16

Lobo

"ako ay may lobo, lumipad sa langit.."

...lumipad kasama ng aking mga alaala nung tayo'y iisa palamang. Dalawang taong naging isa. Dalawang pusong naging isa. Mga alaalang kay sarap balikbalikan, ngunit hindi na kayang lingunin pa pagkat ang hinaharapan ay naghihintay na. Hinihintay ang pagdating mo, hinihintay ka kahit pa ika'y kay tagal lumapag sa mundo ng realidad --- sanay naman siya, sana ika'y masanay na rin. Napakahilig kasi nating bumalik sa mga alaala at pruweba ng minsan nating pagkawasak. Mahirap makipagdigmaan laban sa ating buhay mag isa, ngunit mas mahirap palang makipagdigmaan sa multo ng nakaraan ng mag isa. Nagkamali ako.

"di ko na nakita, pumutok na pala.."

...sumagi sa aking isipan ang huling pagkakataon nung ika'y nasilayan ng aking matang ngayo'y pagod na. Nasa lugar ka na kung saan ako'y dati mong sinasamahan --- lugar din na kung saan moko iniwan. Ngunit sino siya? sino siya? tinitignan kita sabay ng pagkirot ng aking pusong noong panahong iyon ay tila isang lobong pinapaputok gamit ang isang karayom na ikaw mismo ang may hawak. Nakikita mo ba ako? Dahil ako, nakikita ko ang pagngiti mo. Alam kong masaya ka, ganyan na ganyan ang pagningning ng iyong mga mata noong tayo'y magkasama pa. Kilala ko ang mga matang iyan, ganyan na ganyan ang matang nagsilbing mundo ko --- mundo kong ngayon ay may iba ng mundo. Hindi ko lubos maisip na dadating ang araw na ito. Masyado kasi akong nagplano, masyado kasi akong naging kampante --- na ikaw at ako ay magiging isa sa mata ng Diyos pagdating ng tamang panahon. Nagkamali naman ako.

"sayang lang ang pera ko, pinambili ng lobo, sa pagkain sana nabusog pa ako..."

...ngayon ko lang napagtanto, marami akong nasayang na pagkakataon. Masyado ko kasing inaalala ang kasiyahan mo, nakakalimutan ko tuloy ang kasiayahan ko (para kasi sakin, makita lang kita masaya na ako) Masyado ko kasing inaalala kung ano ang nakakabuti sayo, nakakalimutan ko tuloy kung anong dapat ay para sakin (para kasi sakin, ikaw lang sapat na para ako'y mabuhay) Masyado kasi akong umasang isang araw ako'y ipaglaban mo, (Hindi laban sa mga tao, kundi laban sa realidad -- malabo pero umasa ako) Hindi ko inaalala kung ganoon rin ba ako para sayo, kung "siya muna bago ako" ang iniisip mo. Huwag mong sabihing nagkamali naman ako.

Ngunit nais kong sabihin, nagpapasalamat ako sa madaling panahon na pinadama mo sakin ang salitang "magpakailanman". Binibitawan na kita, kasabay ng mga multo ng nakaraan. Binibitawan na kita, tulad ng aksidenteng pagbitiw ng isang bata sa matagal na niyang hawak na lobong minsan ay iniyakan - masakit, pero nararapat.

--Char Marie Garma - Alonzo

092616
(Photo: not mine)

Salamat

Salamat sa pansamantalang kilig,
Tulad ng isang ngiting kunwari'y para sakin.
Tulad ng isang matang kunwari'y sa akin ay nakatitig.
Salamat.

Salamat sa pansamantalang kaligayahan.
Ang rason bat nakalimot sa nagawa kong kamalian.
Ang nagpaahon sa akin mula sa alon ng kalungkutan.
Ang nagpaahon sa akin na hinding hindi ko makakalimutan.
Salamat.

Salamat sa pansamantalang rason ng pag bukas ng aking puso.
Pusong takot ng umibig muli.
Pusong pagod ng umibig muli.
Pusong tanging nakikita ay pagkakamali.
Salamat.

Salamat sa pansamantalang pagputol sa tulay ng nakaraan.
Pagputol sa mga alaalang matagal nang ninais na makalimutan.

Salamat sa marami pang "pansamantala",

Pansamantalang paghalili sa anino ng taong minsan ng nang iwan.
Pansamantalang pag yakap laban sa hanging amihan.
Pansamantalang pagpapangiti sa labing minsan nang nawalan ng buhay.
Pansamantalang pag aruga at pag alalay.
Pansamantalang pag ayos sa pusong nasira.
At pansamantalang pag kulay ng mundong minsan ng nasgiba.

Ang puso ngayo'y pansamantalang hihinto sa pagsigaw ng pangalan mo.
Tumitibok pa ngunit hindi na sinlakas noong ika'y narito.
Salamat sa pansamantalang pagnanatili,
Paalam sa mga nakaw na sandali.

Huling isasambit ng labi,
Salamat sa lahat ng aking natutunan.
Hindi ako miyembro ng GomBurZa para maging martyr.
Paalam at Salamat.

- Char Marie Garma-Alonzo
091316; 7:33 pm