"Pambura"
sulat
bura
sulat
bura
sulat
bura
sulat
bura
Andito naman ako, patuloy ang pagsusula't bura ng mga letra't salitang hindi tumutugma sa nararamdaman ko. Nagmumukhang biro ang buhay ko sa mga nangyayari ngayon. Hindi ko alam ba't hinahanap ko ang sagot sa bawat ano, kahit pa alam ko naman ang kasagutan at nagmamaang maangan lang ako. Hindi ko alam ba't inaalam ko pa kung nasaan ang alin, halata namang nagbubulag bulagan ako. Pilit kong pinipilit ang aking gusto, kahit pa taliwas ito sa guhit ng mga palad ko. Masakit ngunit ba't ginagawa ko. Manhid.
Sana sing dali lang ng pagbura nitong mga letra ang pagkalimot ko ng mga matatamis at mapapait na mga alaaala tuwing nakikita ko ang iyong presensya. Minamasdan ka't susubukan kang hindi tignan. Pipikit ngunit ikaw ang nasa isipan. Masyado na ata akong naadik sa salitang pag asa, nakakalimutan ko ng lumaklak ng realidad. Buti pa yung aleng naksabay ko kanina sa jeep, nauntog na. Ako, nauntog ng lahat hindi parin sapat. Ganito kasi iyan, may mga maswerteng tao na nahanap na yung taong para sa kanila. May mga taong patuloy na naghahanap at may iba na sumuko na. Pero yung pinakamasaklap eh yung na sayo na pinakawalan mo pa. Nagbibiruan lang pala tayo.
Kung ika'y ihahalintulad sa masasakit na bagay, hindi ka sugat, isa kang peklat -- kahit na anong tapal pa ng mga gamot na naireseta, kahit ilang tapal pa ng mga pamahid na nabibili sa butika, nariyan ka parin. Nagsisimbulo na minsan ako'y iyong nasaktan. Na minsan ika'y nangiwan ng marka sa aking buhay.
Minsan ako'y iyong sinabihan...
"Ikaw ang nagturo sakin kung pano tumayo sa sarili kong paa mag isa..."
ang sarap pakinggan, ngunit iyong dinugtungan...
"pero ba't di mo na ako bitawan, para matuto akong lumakad mag isa."
Hindi mo ata napansin kung gaano na tayo kalayo sa kung saan tayo nag simula. Matanong ko nga, sino bang manhid, ikaw o ako?
isang beses naman may ibinulong ka sakin...
"mahal kita, hindi kita iiwan"
ba't bumaliktad ata ang mundo at naging...
"iiwan kita, hindi kita mahal"
Matanong ko nga, ilang pambura pa ba ang kailangan ko para tuluyan ka ng mabura sa puso't isipan ko? Dahil ginamit ko na lahat ng mga mamahalin at malalaking pambura sa mundo ngunit andiyan parin ang multo ng nakaraan at ikaw ang nasa likod nito.
----Char Marie Garma Alonzo
2016/08/16
No comments:
Post a Comment