Monday, September 26, 2016

Lobo

"ako ay may lobo, lumipad sa langit.."

...lumipad kasama ng aking mga alaala nung tayo'y iisa palamang. Dalawang taong naging isa. Dalawang pusong naging isa. Mga alaalang kay sarap balikbalikan, ngunit hindi na kayang lingunin pa pagkat ang hinaharapan ay naghihintay na. Hinihintay ang pagdating mo, hinihintay ka kahit pa ika'y kay tagal lumapag sa mundo ng realidad --- sanay naman siya, sana ika'y masanay na rin. Napakahilig kasi nating bumalik sa mga alaala at pruweba ng minsan nating pagkawasak. Mahirap makipagdigmaan laban sa ating buhay mag isa, ngunit mas mahirap palang makipagdigmaan sa multo ng nakaraan ng mag isa. Nagkamali ako.

"di ko na nakita, pumutok na pala.."

...sumagi sa aking isipan ang huling pagkakataon nung ika'y nasilayan ng aking matang ngayo'y pagod na. Nasa lugar ka na kung saan ako'y dati mong sinasamahan --- lugar din na kung saan moko iniwan. Ngunit sino siya? sino siya? tinitignan kita sabay ng pagkirot ng aking pusong noong panahong iyon ay tila isang lobong pinapaputok gamit ang isang karayom na ikaw mismo ang may hawak. Nakikita mo ba ako? Dahil ako, nakikita ko ang pagngiti mo. Alam kong masaya ka, ganyan na ganyan ang pagningning ng iyong mga mata noong tayo'y magkasama pa. Kilala ko ang mga matang iyan, ganyan na ganyan ang matang nagsilbing mundo ko --- mundo kong ngayon ay may iba ng mundo. Hindi ko lubos maisip na dadating ang araw na ito. Masyado kasi akong nagplano, masyado kasi akong naging kampante --- na ikaw at ako ay magiging isa sa mata ng Diyos pagdating ng tamang panahon. Nagkamali naman ako.

"sayang lang ang pera ko, pinambili ng lobo, sa pagkain sana nabusog pa ako..."

...ngayon ko lang napagtanto, marami akong nasayang na pagkakataon. Masyado ko kasing inaalala ang kasiyahan mo, nakakalimutan ko tuloy ang kasiayahan ko (para kasi sakin, makita lang kita masaya na ako) Masyado ko kasing inaalala kung ano ang nakakabuti sayo, nakakalimutan ko tuloy kung anong dapat ay para sakin (para kasi sakin, ikaw lang sapat na para ako'y mabuhay) Masyado kasi akong umasang isang araw ako'y ipaglaban mo, (Hindi laban sa mga tao, kundi laban sa realidad -- malabo pero umasa ako) Hindi ko inaalala kung ganoon rin ba ako para sayo, kung "siya muna bago ako" ang iniisip mo. Huwag mong sabihing nagkamali naman ako.

Ngunit nais kong sabihin, nagpapasalamat ako sa madaling panahon na pinadama mo sakin ang salitang "magpakailanman". Binibitawan na kita, kasabay ng mga multo ng nakaraan. Binibitawan na kita, tulad ng aksidenteng pagbitiw ng isang bata sa matagal na niyang hawak na lobong minsan ay iniyakan - masakit, pero nararapat.

--Char Marie Garma - Alonzo

092616
(Photo: not mine)

No comments:

Post a Comment